Isports

File Photo | QCSFC
WALANG KATAPUSANG TIMEOUT:
Humphrey Soriano
28 May 2021, 11:00 A.M.
Ang walang kasiguraduhang kinabukasan para sa Quezon City Sports Varsities

NCPO PINAS
Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.
Nagmistulang nilimot ng panahon ang mga court sa mga kalye’t lansangan. Ang dating ingay ng mga paliga sa barangay tuwing pista, at mga torneyo sa paaralan ay nawala na parang bula. Para kay Noa, ito na marahil ang pinakamalungkot na taon para sa katulad niyang isang manlalaro.
“Naging mahirap po para sa aming sports varsities ang pagpasok ng pandemya, sobrang daming nawala at maraming nakakapanibago,” sambit ni Noa na isang team captain sa isang koponan ng football sa Lungsod Quezon.
Mahigit kumulang 250,000 na mga estudyante sa Lungsod Quezon ang tinengga ng pandemya at ilang libo rito ang mga itinuturing na opisyal na manlalaro ng bawat paaralan.
Naibalita kamakailan lamang ang pagbubukas ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 76 sa darating na Hunyo. Ang pagbabalik ng isa sa nangungunang pangkolehiyong liga sa bansa ay magbibigay liwanag para sa mga kabataang atleta.
“Umaasa kami na sana sa lalong madaling panahon ay maibalik na ang lahat sa dati kasi yung sports, parang mahirap siya gawin online lalo na hindi lahat may access sa internet. Talagang mahirap,” dagdag pa niya.
Tila palaisipan pa rin sa mga tulad nilang manlalaro sa mga maliliit na paaralan ang pagbabalik ng mga larong pampalakasan sa tinuturing na bagong normal. Ang mga pang-araw-araw na training na kadalasan ay ginagawa nang sabay ay hindi na maaaring matupad sa tinalagang distance learning nang pamahalaan.
“Nakakamiss talaga yung every month or every week may training kami. Kumbaga hindi lang physical health yung naiimprove, kasama na rin yung mental health naming players.”
Iisa ang hiling ng bawat sports varsity na maibabalik na ang lahat sa dati upang ang kanilang kinagiliwang sports ay kanila nang malaro at manumbalik ang sigla at saya sa mga court at lansangan. Para sa mga tulad ni Noa at sa libo libo pang kabataang atleta, nawa’y agad nang matapos ang walang katapusang timeout.
Other Stories