top of page

 Lathalain 

Lathalain 1.png

Dibuho ni Lauren Sison | Disenyo ni Humphrey Soriano

Banat-Buto’t Sunog-Kilay

Jeschel Nava

26 May 2021, 06:00 P.M.

  • Facebook
  • Twitter
Asset 252.png
NCPO PINAS

Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.

Maiiksing mga bisig, munting mga kamay na pilit inaabot ang langit at mga kilay na nangungunot pa sa reyalidad ng mundo. Dito nag-simula ang pagsasanay ng buhay sa batang tulad ko.

 

Wala pa ang pandemya at hindi pa ito inaasahan ng kahit sino, matagal na akong naka-tanikala sa bahay, sa paaralan, at sa buhay na hindi ko kayang takbuhan. Kung kaya’t katatawanan mang isipin na masiid at mabigat ang kabog ng aking dibdib sa tuwing napapanood ko noon ang mga palabas sa telebisyon na sumasalamin sa kalagayan natin ngayon, ito ay dahil alam ko na wala sa akin ang pabor ng mundo kung sakaling ito man ay magka-totoo.

 

Hindi ko kinakahiya ang kalagayan ko ngunit minsan, marahil sa pagod, tila ba namamanas ang buo kong katawan at ang tanikala sa aking bukong-bukong ay mas humihigpit pa. Wala man ito sa aking leeg pero ramdam ko ang hirap ng paghinga. Walang pahinga. Kung ang iba kong mga kamag-aral ay puma-panaghoy na sa tuwing may ipinagagawa ang aming guro, tahimik lamang akong tumititig sa listahan ng mga gawain na nakapaskil sa makabago naming silid-aralan. Mala-bundok na gawaing dapat kong akyatin at mapagtagumpayan.  

 

Matapos ang halos kalahating araw na pag-upo sa harap ng makinaryang kumukunekta sa makulimlim kong silid patungo sa mas maliwanag na bukas, nag-aasikaso na agad ako paalis upang pumasok sa trabahong tumutulay sa akin at sa prebilihiyong makapagpatuloy sa pag-aaral. Bagamat halos lahat ay takot sa pandemya itinuturing ko na lamang itong bawat talsik ng mantikang hindi ko na magawang iinda dahil kung walang oras magpahinga, mas walang oras para magreklamo pa.

 

Sa bawat hatid ko ng mga luto nang paninda ay siya namang pagkalam ng aking sikmura na pasimple ko na lamang na pinatatahimik ng malamig na tubig na siya ring nagpapanatali sa ‘king gising. Matapos ang ilang oras ay iaabot na saakin ang tatlong daang kabayaran na siya namang aking titipirin. May mga oras ngang iniisip ko na lamang lakarin ang madilim na kalye pabalik ngunit tila hindi pa nagagawang patayin ng kahirapan ang lahat ng mga daga sa aking dibdib sapagkat takot pa rin akong habulin ng aso pauwi.

 

Pag-uwi ang sumasalubong saakin ay ang katahimikan, aayain akong kumain ng gutom at pipilitin akong mag-pahinga ng pagod. Pero ang pinakamapilit at pinakamaingay ay ang mga gawain. Hindi nila ako hahayaang sumubo na hindi sumasagot sakanila at hindi rin ako hahayaang humiga dahil may ikwe-kwento pa sila. Madalas ay inaabot na kami ng umaga sa puntong pag gising ng aking mga kasama ay doon pa lamang pipikit ang aking mga mata.

 

Banat na ang buto ng pagal na mga bisig, kinalyong mga kamay na pilit inaabot ang pangarap na tila matayog pa langit at mga kilay na naglaho na matapos masunog intindihin lamang ang reyalidad ng mundo –dito. Dito na lamang ba matatapos ang buhay ng kabataang tulad ko?

Other Stories

Layer 6.png

 Balita 

26 May 2021, 04:00 P.M.

Achilles Fayloga

Diana Ranoa.png

 Agham 

27 May 2021, 11:00 A.M.

Brian Ycoy

Kolum-2-Landscape.png

 Kolum 

27 May 2021, 02:00 P.M.

Kyla Ramos

bottom of page