Balita

PURSIGIDO. Dugo't pawis ang inaalay sa araw-araw ng isang student worker sa pagsasabay ng kanyang pag-aaral at pagtatrabaho. Walang alam na pagod ang humahadlang sa pagkamit ng mga pangarap. (Larawan kuha ni Clarisse Romero)
MAAM, I CAN'T OPEN MY CAM:
Achilles Fayloga
28 May 2021, 02:00 P.M.
Working student ngayong pandemic, kinapanayam ng QCFILB

NCPO PINAS
Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.
Estudyante sa umaga, cook at tutor sa gabi.
Ganoon ang pang-araw-araw na daloy ng buhay ni Neneng (hindi niya tunay na pangalan), isang senior high school scholar sa Quezon City.
Bagamat hindi mahirap ang pamilya ni Neneng, ang kanilang estado ang isa sa nag-udyok sa kaniya na maging isang working student.
"Kapag mayaman ka, abswelto ka sa consequences ng pagiging mahirap. Kapag mahirap ka, may dahilan para kumuha ka ng panustos at humingi ng tulong dahil nga mahirap ka," Ika ni Neneng.
Dagdag pa niya, "Nag trabaho ako dahil ayaw kong humingi sa pera sa nanay ko para suportahan ‘yung workshop ko at iba pang mga activities o kaya ‘yung gastos sa bahay na iba."
Gayunpaman, isa lamang si Neneng sa mga estudyanteng nagtatrabaho sa gitna ng pandemya.
Karamihan sa mga working students, napilitang magtrabaho upang makapag-aral.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 17.7 ang porsyento ng mga unemployed o walang trabaho noong Abril ng taong 2020.
Mga miyembro ng informal sector ang bumubuo sa malaking bahagi ng porsyentong ito.
Bukod pa rito, maraming kabataan ang nagtrabaho upang makatawid sa pag-aaral dahil sa kawalan ng trabaho ng kanilang magulang.
Sa kasalukuyan, bumaba ang bilang ng mga unemployed sa 7.1 porsyento nitong Marso 2021 ayon sa PSA.
Bilang Estudyante
Ibinahagi ni Neneng ang kaniyang karanasan bilang isang working student sa gitna ng pandemya.
Paggising sa umaga, tutok sa kaniyang online classes.
“Madalas, hindi na ‘ko nakakaluto o kumakain, diretsong gising tapos klase,” ani Neneng.
Parating sumasagi sa isip ni Neneng na ipaalam sa kaniyang guro ang kaniyang pagiging working student, ngunit hindi niya ito sinasabi.
“I receive little to no consideration from teachers din, bakit? I choose not to tell them,” giit ni Neneng.
Sabi pa niya, “Desisyon ko naman kasi na mag trabaho, kung gagamitin ko yun para mabigyan ako ng kaunting consideration parang ginagamit ko yung sitwasyon ko para gumaan yung iba ko pang mabigat na gawain.”
Bilang Working Student
Pagod at hirap ang madalas maramdaman ni Neneng sa kaniyang pag-uwi.
Ngunit, patuloy pa rin ang pagsasabay niya sa kaniyang pagiging estudyante, cook, at tutor.
Makaranas man siya ng diskriminasyon dahil iskolar siya, hindi pa rin siya tumigil sa kaniyang pagtatrabaho.
Alinsunod sa Batas Republika 10917, pinahihintulutang magtrabaho ang mga estudyante, kabataan, at natanggal sa trabahong indibidwal edad 15 hanggang 30.
Kaya naman, ligal ang pagtratrabaho ni Neneng.
Protektado din si Neneng ng Batas Republika 7610 o “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act” laban sa mga pang-aabuso at diskriminasyon sa kaniya.
“Pare-pareho lang tayo. Hindi tayo nakakataas hindi rin tayo mababa, pwede silang humanga pero hindi tayo pwedeng mainggit o mag mataas,” mensahe ni Neneng para sa kabataang katulad niya.
Kasulukuyan pa ring pinagpapatuloy ni Neneng ang pagiging estudyante, cook, at tutor.
Other Stories