top of page

 Editoryal 

Editoryal Landscape.png

Dibuho ni Patrick Santos

Kasaysayang Walang Saysay

27 May 2021, 06:00 P.M.

  • Facebook
  • Twitter
Asset 252.png
NCPO PINAS

Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.

Mahahadlangan ang kaunlaran ng bansa kung ang mga mamamayan ay walang alam sa sariling kasaysayan at wika.

 

Mainit na usapin sa edukasyon ang pag-aalis ng ilan sa mahahalagang asignatura sa bansa. Isa na rito ang DepEd Order 20, 2014 o pag-aalis ng Philippine history bilang parte ng Araling Panlipunan sa junior high school, at ang CHED Memorandum Order No. 20, s. 2013 kung saan nakasaad na ang Filipino, Panitikan, at Philippine Constitution ay hindi na magiging bahagi ng core subjects sa kolehiyo.

"

Ibasura ang kautusang ito at sa halip ay gawing prayoridad ang masinsinang pagtuturo sa mga naturang asignatura sapagkat ang kritikal na pag-iisip at kakayahang umunawa sa nangyayari sa lipunan ay nahuhubog sa masinsinang talakayan sa paaralan.

 

Ipinaliwanag naman ng DepEd at CHED ang dahilan ng mga pagbabago. Depensa ni DepEd Secretary Leonor Briones, “discussions of events in Philippine history are naturally integrated in several subjects.” Ayon naman kay CHED Chairperson Prospero de Vera III, hindi sila ‘anti-Filipino’ kahit pa suportado ang pag-alis sa Filipino at Panitikan bilang core subjects. Dagdag pa niya, “To be properly cultivated, Filipino cannot merely be taught as a subject, but must be used in oral and written forms, across academic domains."

 

Hindi maaaring sabihing natatalakay naman sa ibang asignatura ang kasaysayan ng Pilipinas sapagkat hindi makakamit ang totoong pagkatuto kung papasadahan lamang ito. Totoo rin naman ang pahayag ni de Vera na hindi lang natatapos ang pagkatuto sa pagiging asignatura ng Filipino ngunit hindi ba’t malaking bagay ito upang umpisahan ang paglinang sa kasanayan? 

 

Nagpakita rin ng pagsalungat ang Teacher’s Dignity Coalition (TDC) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) tungkol sa pagkawala ng Philippine history sa Araling Panlipunan. Totoo ang sinabi ni Benjo Basas, chairperson ng TDC, na maaaring makalimutan ang kasaysayan at sariling pagkakakilanlan kung pagiging ‘globally competitive’ ang aatupagin. Dapat ay balansehin ito. Tunay ngang mahalaga ang Philippine history sa paghubog ng nasyonalismo sa kabataang Pilipino tulad ng pahayag ng ACT.

 

Bukod pa rito, wala ring silbi ang pagiging opsyunal ng pagkuha ng asignaturang Filipino sa kolehiyo kahit pa sabihing maaari naman itong kunin kung gugustuhin. Gaya ng sinabi ni Direktor Mykel Andrada ng Sentro ng Wikang Filipino sa UP Diliman, gagawin lamang dahilan ng mga unibersidad at kolehiyo ang memorandum ng CHED at pagsang-ayon ng Supreme Court upang tuluyan nang hindi ituro ang asignatura sa kolehiyo.

 

Hindi dapat hayaang hanggang sa susunod na henerasyon ay may kakulangan sa kaalaman tungkol sa pambansang kasaysayan at wika. Bukod sa pag-aayos ng sistema ngayong pandemya, atupagin din ang pag-aayos ng kurikulum at tiyaking matututunan ng mga bata ang mga dapat matutunan. Napakabilis nang kumalat ng maling impormasyon sa social media kaya mahalagang mayroong masinsinang pag-aaral sa Philippine history, Filipino, at Panitikan. Nawa’y huwag mawalan ng saysay ang pinaghirapan ng mga bayani maging mulat lamang ang kabataang tinaguriang pag-asa ng bayan.

 

Kung tutuusin, maituturing itong ugat ng problema sa lipunan sapagkat ang pagkawala ng mga asignaturang nabanggit ang siyang dahilan kung bakit mayroong mga pikit ang mata, nagbibingi-bingihan, at nagpupumilit sumunod lamang. Wala na silang nalalaman sa tunay na kalagayan ng bansa mula noon at hindi nakikitang naaabuso pa rin ito hanggang ngayon.

 

Huwag ipagkait sa mga kabataan ang kaalaman sa kasaysayan at wikang karapat-dapat nila makamtan. Wala namang dapat ikatakot sa mga mulat na mag-aaral sapagkat sila ang susi sa pag-unlad ng bayan, maliban na nga lang kung ang mga namamahala ay may mga gawaing ayaw mabunyag.

​

Sanggunian

Alejo, M. R. (2021, January 26). [OPINION | New School] Will the Philippine History subject just be forgotten? Rappler; Rappler. https://www.rappler.com/voices/new-school/opinion-new-school-will-philippine-history-subject-forgotten

 

Basas, B. (2017). Tell it to SunStar: Bonifacio and the teaching of History. Sunstar; sunstar. https://www.sunstar.com.ph/article/407947/Lifestyle/Tell-it-to-SunStar-Bonifacio-and-the-teaching-of-History

 

CHED on the Supreme Court Decision on the removal of Filipino from the New General Education Curriculum - CHED. (2018, November 13). CHED. https://ched.gov.ph/ched-on-the-supreme-court-decision-on-the-removal-of-filipino-from-the-new-general-education-curriculum/

 

‌Panti, L. (2019). CHED: We are not anti-Filipino for not requiring Filipino subjects in college. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/695972/ched-we-are-not-anti-filipino-for-not-requiring-filipino-subjects-in-college/story/

 

Teachers’ groups welcome K to 12 review, seek reforms. (2018, July 30). Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2018/07/30/teachers-groups-welcome-k-to-12-review-seek-reforms/

Other Stories

Diana Ranoa.png

 Agham 

27 May 2021, 11:00 A.M.

Brian Ycoy

Kolum-2-Landscape.png

 Kolum 

27 May 2021, 02:00 P.M.

Kyla Ramos

Problema lamang ang hatid ng pag-aalis ng Philippine history at Filipino sa kurikulum ng Pilipinas.

bottom of page