top of page

 Lathalain 

Lathalain 2 Extended.png

Disenyo ni Brian Ycoy

Mura Lang, Presyong Maralita

Jeschel Nava

28 May 2021, 06:00 P.M.

  • Facebook
  • Twitter
Asset 252.png
NCPO PINAS

Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.

May mga taong dukot na lamang nang dukot dahil hindi nila alintana ang presyong barya-barya na lamang sa kanila. Samantalang may mga gipit na maski singkong duling ay ibinubulsa. Pero sino nga ba sa kanila ang tunay na malaki ang ibinabayad at itinataya?

 

Kilala tayong mga Pilipino bilang matipid ngunit galante lalo na sa bisita, kung kaya’t madalas iniisip natin na sulit na ang mura kahit medyo may problema. Mahilig din tayong magbigay ng bagong buhay sa mga kagamitang basura na sa iba; lagayan ng sorbetes na laman pala’y isda, mantika ng fish ball at kwek-kwek na halo-halo na ang lasa, mga damit na ipinapasa simula sa pinakamatanda hanggang maging basahan na sa paa at marami pang iba. Nadala natin ang ugaling ito maski sa mga iniluluklok natin sa gobyerno.

 

Sabi nga ng kaibigan kong itago na lamang natin sa pangalang Pedro, Mauubusan ba ng tao sa mundo kaya tipid na tipid tayo sa mga pag pipiliang mga tao? Ganoon na ba tayo ka-galante at tayo na mismo ang sumasagot sa utang na dulot ng mga kurakot? Daig pa natin ang bigyan sila ng bagong buhay sa tuwing sila na naman ang ibinoboto natin sa halalan.”

 

“Bakit mo naman sila iboboto?” tanong ko na ikinatahimik niya. Pakiramdam ko’y matalino na ako sa tinanong ko sa kanya, simple lang naman diba? Bakit mo iluluklok kung daragdag lamang sila sa salot?

 

Nawala sa isip kong marami pala silang wala na meron ako. Hindi ako basta-basta magagawang takutin ng trapo. May titirahan pa rin ako kahit sinong pulitiko ang manalo dahil hindi naman nila hawak ang lupang kinatitirikan ng bahay ko. Hindi ako mawawalan ng trabaho dahil hindi naman ako sa kanila sumasahod ng ipang-kakain ko.

 

Hindi nila mababago basta-basta ang kinabukasan ko. Hindi katulad ni Pedro. Kontrolado nila ang kasalukuyan niyang kalagayan, dahil para sa mahihirap matagal nang pangarap lamang ang kinabukasan. Manalo man ang kahit sinong pulitiko kung hindi maiaalis sa kamay ng trapo ang buhay nila Pedro, patuloy niya na lamang babarayan ang “murang” presyo para mabuhay –dalawang pikit na mata at daliring may tinta.

 

Tumingin ako sa kausap ko ng may awa para sa kanya, nakatingin lamang siya sa kanyang mga paa. “Matimbang ba ang dangal sa tulad kong kumakalam ang tiyan?”

bottom of page