Lathalain

Disenyo ni Brian Ycoy
Kuya Ryan:
Jeschel Nava
31 May 2021, 02:00 P.M.
Elehiya sa Naglalahong Kinabukasan ng mga Mag-aaral ngayong Pandemya

NCPO PINAS
Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.
“May mga laban talaga na kahit hindi mo sukuan ay matatalo ka, pero wala kang labang mai-papanalo na wala kang ginagawa.” –Ryan Montilla
Sa isang dikit-dikit na bahayan o mas kilala sa tawag na squatter area sa Quezon City ay matatagpuan mo ang isa sa mga pinakamasipag at pinakamabait na kuya na pwede mong makilala –si Kuya Ryan. Tuwing Lunes hanggang Sabado, kung walang klase, ay hindi sa bahay nila mo siya matatagpuan, bagkus sa kanyang pinagtra-trabahuan sa Pasig. Tuwing Linggo naman habang ang ibang nagtra-trabaho ay ginagawa itong pahinga, sa simbahan mo naman sa UP Diliman siya makikita.
Kahit na may pandemya ay hindi iyon naging hadlang upang tumigil siya sa pagtra-trabaho at sa pagsi-silbi sa simbahan upang doon naman tumulong. Pero may isang bagay na na-patigil ang pandemya sa kanyang buhay, ito ay ang kanyang pag-aaral. Sabi niya, “Pinilit ko naman, eh. Nag hanap pa nga ako ng scholarship pero hindi talaga kaya kasi nawalan din ng trabaho si papa. Walang magtu-tustos [samin].” Malungkot itong marinig sapagkat masipag at magaling na mag-aaral si Kuya Ryan. Isa siya sa mga estudyanteng nagkamit ng samu’t saring parangal simula pa noong siya ay nasa elementarya pa lamang, ilan lamang sa mga ito ang Leadership Award, Academic Execellence Awards at ilang Journalist Awards.
“Kakayanin ko pa sana, eh kaso nag sabay-sabay na. Hindi naman ako tamad katulad ng sinasabi nila sa mga ayaw mag-aral ngayong pandemic. Ginawa ko na lahat pero may limit din ako bilang tao.” Dagdag pa niya na halatang ikinukubli ang hirap kahit pa siya ay tumatawa. Sumabay pa sa kanyang hinanakit ang kamakailan lamang na pahayag ng CHED tungkol sa flexible learning. “Sabi ko pa naman magtu-tuloy na lang ako next year o kaya pagtapos ng pandemic kaso mukhang wala na.”
Noong tanungin siya kung nanaisin niya pa rin bang tumuloy kung sakaling may tutulong sa kanya sa gastusin at iba pang kakailangan ito ang kanyang naisagot, “Ganoon din eh, wala rin ako masyadong matututunan. May mga laban talaga na kahit hindi mo sukuan ay matatalo ka, pero wala kang labang mai-papanalo na wala kang ginagawa. Kaya baka ituloy ko na lang ang pagtra-trabaho para sa pamilya ko.”
Hindi mo man kilala si Kuya Ryan, isang patotoo ang kwento niya na sumasalamin sa marami pang Pilipinong hindi man kilala ng mundo ay mayroon ding kwentong aantig sa iyong puso at magpa-paalala kung hanggang saan ka kayang iligtas ng iyong prebilehiyo. Lalo na kung hanggang saan nito kayang protektahan ang kinabukasan mo.
Other Stories