top of page

 Kolum 

Landscape.png

Dibuho ni Patrick Santos

Paraang Hindi Pangmatagalan

Kyla Ramos

26 May 2021, 02:00 P.M.

  • Facebook
  • Twitter
Asset 252.png
NCPO PINAS

Malaya at Mapagpalaya
Ang Opisyal na Pahayagan ng NCPO Pinas+ mula sa Lungsod Quezon, Pambansang Punong Rehiyon.

Pinagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng kinahaharap na pandemya ngunit hindi na makakayanan ng mga guro at mag-aaral kung sa susunod na taon ay ganito pa rin ang sistema.

 

Itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang Oktubre 5, 2020 bilang simula ng taong panuruan 2020-2021; mahigit isang buwan matapos ang naunang planong Agosto 24 upang bigyan ng ayon sa kanila’y sapat na oras ang mga estudyante at guro makapaghanda. Bunsod nito, isinagawa ang distance learning at nahinto ang nakagawiang face-to-face learning — bagay na imbis na magpapagaan sa sitwasyon ay lalo lamang naging pabigat.

​

"

​

Hindi masamang magpatuloy ang edukasyon kahit pa nariyan ang pandemya. Ang masama, hindi naman naibibigay ang dekalidad na edukasyon sapagkat marami ang napag-iiwanan at hindi sigurado kung mayroon nga bang natututunan.

 

Kaugnay nito, lalong hindi dapat ituloy ang pinaplano ng Commission on Higher Education (CHED) na flexible learning sa mga susunod na taon kahit pa mawala ang pandemya. Sa sistemang ito, magkakaroon na ng parehong online at face-to-face classes depende sa kakayahan ng unibersidad. “There is no going back to the traditional full-packed, face-to-face classrooms,” ani CHED Chairman J. Prospero de Vera III. Kung pinili nilang hindi na bumalik sa tradisyunal na klase kung saan komportable ang lahat, pinipili na rin nilang magkaroon ng susunod na henerasyon ng kabataang kulang-kulang sa kaalaman.

 

Aminado naman si de Vera na napapalala ng agwat teknolohikal ang pagsasagawa ng flexible learning ngunit ayon sa kaniya, makikitang unti-unti nang nakakapag-adjust ang mga institusyon at nagiging mabuti na ang sitwasyon.  Dagdag pa niya, masasayang lamang ang mga naipundar sa teknolohiya, pagsasanay ng mga guro, at ‘retrofitting’ sa mga pasilidad. Kung tutuusin, trabaho naman talaga nilang ayusin ang sistema ngunit ang problema, hindi lahat ay nakakasabay sa pagtransisyon gamit ang teknolohiya.

 

Ang unang dahilan kung bakit hindi nakasasabay ang karamihan sa bagong normal ay ang matinding epekto sa mental health ng pagkakalayo sa mga tao kasama na ang anxiety na hatid tuwing may bagong notification. Ayon sa survey na isinagawa noong Nobyembre 23 hanggang Disyembre 22, 2020 ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRE), isang grupo ng mga eksperto, guro, magulang, at estudyante, 54.7% ng mga estudyante ay nagsabing lubhang naapektuhan ng distance learning ang kanilang pisikal at mental na kalusugan.

​

Problemang pinansyal din ang nakahahadlang sa kakayahan ng mga batang makasunod sa bagong normal. Maraming nawalan ng trabaho at hirap maitawid ang bawat araw kaya hindi na makakayanan pa ng pamilyang bumili ng mga gadget pang online class. Kahit sabihin pang ang mga Local Government Units (LGUs) ay may handog na tablet at libreng load, hindi ito sapat sapagkat maging ako, isang mag-aaral, ay magtatatlong buwan nang hindi nakatatanggap ng load. Paano na lamang ang mga batang sa load galing LGU umaasa para makapagklase.

 

Ikatlo sa nakababahalang epekto ng flexible learning ay ang kabataang magiging produkto nito sa hinaharap. Ayon pa sa survey ng SEQuRE, 53% ng 620 estudyanteng sumagot ay nagsabing pakiramdam nila ay hindi natuto o hindi sigurado kung natututunan ba nila ang learning competencies na ginawa ng DepEd ngayong distance learning. Kung ganito ang mangyayari pagtungtong sa kolehiyo sa pamamahala ng CHED, hindi malayong ang susunod na henerasyon ng mga propesyunal ay walang sapat na kaalaman at kasanayan. Sa huli, ang bansa lang rin ang maaapektuhan.

 

Imbis na pilitin ang pagpapatupad ng flexible learning sa kolehiyo, mas mainam kung atupagin muna ang pagpapabuti sa sistema sa kasalukuyan upang matiyak na natututo nga ang mga mag-aaral kagaya ko. Maaaring gumawa ang mga paaralan ng schedule kung saan matitiyak na naituturo nang maayos ang leksyon at hindi lang basta dinadaanan. Pagtuunan ng pansin ang kurikulum na dapat ay nakabase sa pagkatuto, hindi sa pagpapasa lamang ng gawain. Ang panghuli, makinig sa mga pagod na estudyante at gurong nais makapagpahinga.

 

Lahat ay apektado ng pandemya kaya mahalaga ang pagtuklas ng mga bagong pamamaraan lalo na sa pagkatuto. Ngunit, hindi ito dapat minamadali lalo na kung sa huli’y mga tao pa rin ang mahihirapan. Unahin ang kasalukuyan bago problemahin ang kinabukasan.

​

​

Sanggunian

Adonis, M. (2021, April). Flaws aside, online learning takes toll on students’ mental health. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1417703/flaws-aside-online-learning-takes-toll-on-students-mental-health

​

Magsambol, B. (2020, October 4). Over 24 million Filipino students back to school during pandemic. Rappler; Rappler. https://www.rappler.com/nation/filipino-students-back-to-school-during-coronavirus-pandemic-october-5-2020

​

‌ Mateo, J. (2021, May 23). CHED: Flexible learning to stay even after pandemic. Philstar.com; Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2021/05/23/2100234/ched-flexible-learning-stay-even-after-pandemic

Distance learning na nga ang pamamaraan sa bagong normal ngunit hindi ito angkop kung gagawing pangmatagalan.

Other Stories

20210525035042_IMG_1508.jpg

 Balita 

SA 'DI MAHANAP NA PAGKATUTO
Isang pagsusuri sa distance learning

26 May 2021, 11:00 A.M.

Achilles Fayloga

Diana Ranoa.png

 Agham 

27 May 2021, 11:00 A.M.

Brian Ycoy

Lathalain 1.png

 Lathalain 

26 May 2021, 06:00 P.M.

Jeschel Nava

bottom of page